The Gospel of Dave
Sa inyong mga nagbabasa at sa lahat ng kaibigan, binabati ko kayo ng maluwalhati sa aking puso. Sana ay maging matangumpay ang inyong paghahanap ng kabuluhan sa buhay. Ipagpatuloy sana ninyo ang paggawa ng kabutihan sa kapwa at pagsumikapang gawin kung ano ang tama para sa sarili. Mas mabuti sana kung maging mapagpakumbaba kayo parati sa bawat gawain ninyo. Marami sa inyo ang nagtatanong sa akin, “Ano ba ang pinakamabuting gawin para makatulong sa kapwa?” Madali lang, kalimutan ang inyong sarili at maglingkod ng tunay. Kung may kadahilanan man para paglingkuran ang sarili, ito dapat ay para lang mabuhay ka at magpatuloy pa sa paglilingkod at wala nang iba pang dahilan. Hindi masama ang magpakasaya kung ito ay para sa kalusugan ng iyong pagiisip at para makapagpatuloy ka pa sa pagharap sa mga problemang bumabalakid sa iyong pagtulong sa kapwa tao. Ngunit kung nagpapakasaya ka para lang sa iyong sarili, ano ang makukuha mo dito? Pagkatapos mong magpakasaya babalik ka lang ulit sa problema. Ngunit kung ang kaligayahan ay iyong binahagi, nasa puso’t isipan ka na nila habang buhay kasama ng kaligayahang iyong ibinigay. Huwag mong hangarin na ikaw ay mahalin o purihin, sapagkat may kayamanan sa bawat pagkayamot at kainisan nila sa iyo. Gumawa ka lang ng tama habang sila ay galit sa iyo sapagkat kung may magandang bagay ka mang makukuha sa iyong paggawa ng mabuti ito ay ang galit at pananakit nila sa iyo. Bakit ko ito nasabi? Ang paggawa mo ng kabutihan na nauwi sa pagpaparusa o pananakit sa iyo ay siyang magpapatunay sa iyo na ikaw ay mapalad sapagkat may magandang bagay kang tinataglay na wala pa sa kanila. Kayo naman ay magsasabing, “Ano ang kadahilanan kung bakit kailangan naming ibahagi sa iba ng aming tinataglay na kabutihan?”. Ito ang sagot ko sa inyo, ang buong kaligayahang aking tintutukoy ay hindi mo pwedeng taglayin kung hindi mo gagawin ng buong buo ang aking sinabing paglimot sa iyong sariling interes. Kung sakaling taglayin mo na ito, dapat mo itong ibahagi at tulungan ang iba na maging katulad mo sa kadahilanang ang sang katauhan ay iisa lang ang laman at iisa lang ang pinanggalingan. Tuwing may isang taong nasasaktan ay nasasaktan ang sangkatauhan. Kung mamatay ka mang isang taong punong puno ng katanungan sa isip ukol sa mga hiwaga ng kalangitan at maging sa mundo ng agham, may tao muling mabubuhay o ipapanganak sa mundo na nagtataglay ng kaparehas na pananabik matuklas ang kasagutan sa iyong mga tanong. Nakalulungkot isipin kung ang iiwan mong mundo sa kanila ay isang mundong hindi kaaya-ayang mabuhay o kaya’y isang mundong hindi madaling magisip ng mga ganitong bagay. Kaparehas lamang yan ng paghahanda mo sa kinabukasan ng mga anak mo, ngunit kung tatanggapin mo lang ang katotohanan alam mo sa sarili mo na mas mahalaga pa nga ito.
Marami sa inyo ang nagsasabing dapat tayong lahat ay tumutulong sa mahihirap, ngunit ginagawa ba ninyo ito? Ginagawa lang ba ninyong dahilan na ang pagtuturo ng banal na kasulatan ay mas mahalaga kaysa sa pagtulong ng personal sa kapwa tao? Walang relihiyon ang nagsasabing mali ang pagtulong sa kapwa, ngunit ito ang sasabihin ko sa inyo: Mas marami kang dapat gawin sa gawa kaysa sa salita. Sapagkat karamihan sa inyo ay puro turo lang sa iba para sila ang gumawa at hindi kayo. Ang pinakamabigat na pagkakamali ay ang pag harap mo sa salamin at kaya mong sikmuraing ikaw ay hipokrito at hindi mo totoong sinusunod ang tinuturo at inuutos mo. Sasabihan mo ang mga tao, “Tumulong kayo sa mga dukha at nangangailangan, tulungan nyo silang matutong maghanap ng pagkakakitaan, magbahagi ng inyong kayamanan sa ikabubuti nila. Tulungan nyo silang mamingwit ng sarili nilang isda.” Pagkatapos matutulog ka ng mahimbing at akala mo’y malaki na ang iyong nagawa. Hindi ba ninyo alam na ganun din ang gagawin nila dahil iyon ang natutunan nila sa inyo? Hindi ba ninyo alam na mangangaral lang din sila sa iba at hindi rin sila kikilos katulad ninyo? Hindi mababawasan ang kahirapan kung ganyan ang paulit ulit na nangyayari. Bakit mo tinuturong tumulong sa mahihirap at nangangailangan kung ikaw mismo ay hindi mo magawa ito? Mahirap ba para sa iyo ang gawin ang mga kabutihang tulad ng pagtulong sa mahihirap? Hindi mo ba alam na mas makakabuti sa iyo ang pag-alay mo ng iyong sarili para sa lahat? Mas mabuting ituro mo lang lahat ng iyan kapag tapos mo nang nagawa. Hindi lang ang pagkain o pera o kagamitan ang kailangan ng mga nangangailangan, kailangan din nila ng kaalaman na kayo lang ang makakapagbigay. Huwag kayong maghanap ng tubig sa isang balong malalim kung ang tubig pala ay inilipat na sa kabilang lalagyanan at ipinagdamot. Kapag may nagkukulang ay may sumosobra. Huwag kayong matakot magsalita, sumulat o magpahayag at kumilos para sa tama.
Kung may balak kang gawing kabutihan, humanap ka lamang ng tulong sa iba kung hindi mo na kayang gawin ang iba mo pang gawain. Kung ako ang inyong paniniwalaan, mas nararapat na lahat ng gawain ay ikaw lang ang gagawa. Kaya kong magkaroon ng sampung katulong pero di ko ito ginagawa dahil may respeto ako sa aking sarili. Malaking kayamanan ang alam mong marami kang responsibilidad na nagagawa. Ang tunay na kayamanan ay ang tunay na kaligayahan.
Mahalin mo ang iyong kapwa na pantay sa iyo. May isang bagay lang naman ang gusto ng lahat, yun ay ang makaligtas. Ano mang klaseng kaligtasan ito, ito ay may iisang iniiwasan at ito ay ang kapahamakan. Ang pinakasiguradong maari mong magawa upang makatulong sa kaligtasan ng lahat ay ang pagmamahal sa iyong Bayan. Ang bayan mo ang iyong bakurang dapat mong linisin. Wala nang mas hihigit pang paraan ng pagmamahal ang maaari mong ipamalas sa iyong kapwa tao kaysa sa pagmamahal sa iyong bayang sinilangan. Kabilang dito ang pagtulong sa paglago ng kabutihang asal ng iyong kababayan. Kapag ang bayan mo ay may malinis na hangarin, kung ito ay magtatagumpay, ito naman ay mamumunga ng mabuti sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sasabihin ko sa inyo ang totoo, ang bayang Pilipinas ang pag-asa ng Mundo.
Sa mga may pamilya at nagbabalak magpamilya, ito ang sasabihin ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong mga kapatid katulad ng pagmamahal ninyo sa inyong mga anak sapagkat hindi mo gugustuhing makitang nagaaway ang inyong mga anak gaya ng pagaaway ninyo. Mahalin ninyo ang inyong mga anak, hindi dahil sa gusto ninyong tulungan nila kayo kapag kayo’y matanda na kundi dahil binuhay ninyo sila. Hindi mo pagmamay-ari ang mga anak mo. Hindi dapat respetuhin ang isang taong hindi marunong magmahal sa kanyang magulang at sa kanyang mga anak. Tandaan ninyo, kung ano man ang iyong ginawa sa isang tao, ay hindi matatapos sa kanya, bagkus ito ay kakalat sa mga taong makakasalamuha pa lang niya. Lahat ay nagsisimula sa pamilya. Huwag kayong aasa sa turo ng kanilang guro. Hindi lahat ay nabibili ng pera.
Hindi lahat ng gusto mo ay kailangan mo at hindi lahat ng kailangan mo ay gusto mo. Ano ba ang mas matimbang, ang pangangailangan ng nagiisang ikaw o ang pangangailangan ng nakararami? Hindi mo ba alam na ang ibang tao ay may isip rin at pangangailangan ring katulad mo? Sa bandang huli kalungkutan lang ang makukuha mo sa pagiging sakim mo. Simple lang naman ang sukatan ng kabutihan. Kapag nasagot mo ito, hindi mo na kailangan pang hanapin ang hantungan na namamagitan sa kasamaan at kabutihan.
Huwag kayong matakot gawin kung ano ang tama. Mararamdaman mo ito sa iyong talampakan at tiyan, sa iyong tuhod at balikat. Ang paggawa ng tama at pag iwas sa kasamaan sa kabila ng kapahamakang pwedeng idulot sa iyo ay dapat gawin na hindi humihingi ng ano mang kapalit sa kadahilanang ito lang ang magdadala sa iyo palapit sa katotohanan. Ang mga taong immoral, mga malalaswa at madadaya ay hindi dapat pamarisan dahil magdudulot sila sa iyo ng pagkasira. Kahit na ang buhay mo ay sira na, may magandang dahilan pa rin para umiwas sa masama, ito ay dahil hindi ka nagiisa sa mundo at ang iba ay hindi pa nasisira ang kanilang buhay. Kung sira na ang mundo mo, isipin mo na lang na ilang beses nang may pinanganak sa mundo at nasira ang kanyang buhay habang ang iba ay nabuhay ng mapayapa at maayos. Normal na lang ito sa lahat ng dako at nangyayari ito sa bawat panahon. Hindi ko sasabihin sa iyong, “May pag-asa ka pa kaibigan”, dahil alam kong sawa ka na sa katagang yan, ayaw kitang mawalan ng pag-asang ayusin ang buhay mo dahil hindi lang ikaw ang apektado. Ang bawat kilos mo ay nakasulat sa mga bituin sa langit.
Huwag ninyong hahayaang manalo ang kasamaan! Maging mapagmatyag kayo at alerto! Hindi masama ang matutong lumaban at magalit sa mga gumagawa ng kasamaan. Kung nakakadama ka nito, ikaw ay mapalad at hindi manhid na tao. Mali ang tumanggi sa dikta ng iyong konsiensya. Sama-sama kayong lipunin ang kasamaan at magkaisa. Totoong mahirap magkaisa, kahit alam nating ito ang susi sa ikabubuti ng lahat ngunit walang nagtatagumpay ang hindi gumagawa ng mga tungkuling mahirap gampanan.
You won’t lose anything if you have nothing to lose. Nature is a bit tricky, the more you take, the more you lose. You can’t have everything you want because others want the same thing. If you have everything that others just dreamed of, you can live but just for a little while… you will be satisfied… just for a little while… but after you realize that it’s not you who accomplish all your achievements in life but it was everything that controls you… you are in fact still not free… you are just a slave…and you die hard.